Dapat munang suspendihin ang mga opisyal ng PhilHealth na idinadawit sa anomalya sa ahensya.
Ito ang mungkahi ni Vice President Leni Robredo matapos na ibunyag ng whistleblower sa pagdinig sa Senado na 15 bilyong pisong pondo ng PhilHealth ang umano’y ninakaw ng ilang opisyal nito.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo ang suspensyon ng mga taong responsable sa katiwalian upang hindi makompromiso ang integridad ng imbestigasyon.
“Baka kailangang may suspensyon habang ang investigation ongoing. Sana ganon ‘yung gawin to show na seryoso tayong sugpuin ‘yung korapsyon,” ani Robredo.
Dagdag pa ng bise presidente, nakakadismaya na nabunyag ang iregularidad sa ahensya sa panahon pa mismo ng pandemya.
Nakakabahala rin aniya ang naging pahayag ni PhilHealth Senior Vice President for Data Protection Office Nerissa Santiago na hanggang 2021 na lang ang buhay ng ahensya.
“Kinakailangan pang magkaroon ng whistleblower e di ba mayroon tayong mga anti-corruption bodies? Dapat ito ‘yung mga naamoy nila na hindi na dapat nahihintay na lumala pa ang sitwasyon. Bakit kinakailangan na dumating sa ganitong punto na ang allegations, P15 billion, at a time na meron tayong COVID-19 na kailangang-kailangan natin ‘yung serbisyo ng PhilHealth,” giit ni Robredo.