Mas pagtitibayin pa ng Philhealth ang kanilang sistema na pipigil at sasawata sa mga “scammers.”
Matatandaan na noon pa mang 2014 ay nakapagtatag na ng Risk Management Committee ang Philhealth upang pangasiwaan ang sistema ng pamamahala sa mga “risk functions” partikular sa operasyon, legal, reputasyon at iba pang panganib na maaaring kaharapin ng korporasyon.
Ang nasabing komite ay kinabibilangan ng isang miyembro ng PhilHealth Board at mga opisyal ng PhilHealth.
Isa sa mga nagawa na ng komite ay ang pagbuo ng Risk Information Management System, isang software tool upang pangasiwaan ang risk management functions ng korporasyon at naglalayong gawin itong pamantayan upang malaman, suriin at masubaybayan ang pagrereport ng “risk”.
Dahil dito, hindi man tuluyang maiwasan ay mababawasan naman ang bigat ng mga potensyal na problema na maaaring makaharap ng korporasyon tulad na lamang ng pandaraya ng ibang mga tiwaling doktor at pasilidad.
Inaprubahan din ng nasabing komite ang pagtatatag ng isang online platform. Sa pamamagitan nito, agad na mabibigyan ng aksyon ang mga desisyon ng PhilHealth Board o Arbitration Office para sa kasong administratribo laban sa mga pasilidad na may ginawang katiwalian sa korporasyon.
Samantala, patuloy namang magsasagawa ng mga hakbangin ang Philhealth upang labanan at mapigilan ang mga tiwaling gawain ng iilang pasilidad at doktor.
Ito ay upang mapanatag din ang kalooban ng mga Philhealth members na nasa mabuting pangangalaga ang ating National Health Insurance Fund.