Nagpahayag ng kahandaan si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) President at CEO Ricardo Morales na sumailalim sa lifestyle check upang patunayan na hindi ito sangkot sa korapsyon sa ahensya.
Ayon kay PhilHealth Spokesperson Shirley Domingo, bagama’t hindi pa lumalagda sa waiver si Morales na nagsasabing pumapayag siyang buksan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kanyang mga bank account, nagpahayag naman ito na handa siyang sumailalim sa lifestyle check.
Sinabi ni Domingo na kahapon ay lumagda na ng waiver ang karamihan sa miyembro ng Executive Committee ng PhilHealth kung saan isa siya sa mga pumirma.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Kamara sa umano’y mga anomalya at korapsyon sa state health insurer, sinabi ng mga opisyal na sina Jovita Aragona, Renato Limsiaco Jr., Israel Pargas, at Nerissa Santiago na payag silang lumagda ng waiver para imbestigahan ng AMLC ang kanilang bank transactions.
Nahaharap ngayon sa imbestigasyon ang PhilHealth dahil sa umano’y overpriced na pagbili ng Information Technology System na nagkakahalaga ng P2 billion.