Mariing itinanggi ni PhilHealth Regional Vice President Khaliquzzaman Macabato na mayroong siyang naging papel sa umano’y ‘mafia’ sa ahensya.
Matatandaang itinuro ni PhilHealth President Ricardo Morales si Macabato at Vice President for Mindanao Datu Masiding Alonto Jr. na mayroong ‘inordinate influence’ sa ahensya dahil ayaw nilang magpatalaga sa ibang opisina.
Sa pagdinig ng Senado, binigyang linaw ni Macabato ang sinasabi ni Morales.
Aniya, mayroong dalawang pagkakataong nais siyang i-reassign pero tumanggi siya bunga ng ilang kadahilanan.
Una ay noong 2010 nang ilabas ang kautusan para ilipat siya ng opisina ngunit sa kasagsagan ito ng election ban, kaya natatakot siya na baka maakusahan siya o patawan ng election cases sa rehiyon kung saan siya ililipat.
Humiling siya sa korte para ipatigil ang kaniyang reassignment at nakapaglabas ng permanent injunction ang Marawi Regional Trial Court.
Ang ikalawang pagkakataon ay noong 2010 nang siya ay pagbantaan na ililipat kapag hindi siya sumang-ayon sa mga ipinapanukalang polisiya.