Hindi pa buong naibabalik at naisasaayos ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang sistema.
Ito ang nakumpirma sa budget deliberation ng PhilHealth kagabi, isang buwan matapos mangyari ang data breach matapos ma-hack ng Medusa Ransomware ang sistema ng state health insurer.
Ayon kay Senator Pia Cayetano, sponsor ng budget ng DOH at iba pang attached agencies, hanggang nitong November 14, ang buong naibalik ay ang web-based systems, e-claims, members portal, at core system.
Magkagayunman, ang utility system tulad ng risk information system at iba pang internal systems ay hindi pa naire-restore.
Dagdag pa ni Cayetano, pinapalakas na ng DOH ang kanilang security system kung saan lumikha na sila ng crisis committee, nag-hire na rin ng security consultant at bumuo na ng business continuity plan.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat ay mayroong alokasyon ang PhilHealth para sa kanilang information at communication technology upang sana ay naiwasan ang hacking.
Sa P353.269 billion na pondo ng DOH sa 2024, P101.514 billion dito ay subsidiya ng gobyerno para sa PhilHealth.