PhilHealth, target bayaran ang halos P1 bilyong utang nito sa PRC ngayong buwan

Susubukan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bayaran ang natitirang utang nito sa Philippine Red Cross (PRC) na nasa halos isang bilyong piso.

Ito ay para maipagpatuloy ng PRC ang pagsasagawa nito ng COVID-19 testing na sasagutin ng PhilHealth.

Ayon kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña, hinihintay na lamang nila ang clearance mula sa Department of Budget and Management (DBM) para silay ay makausad sa pagbabayad ng outstanding balance.


“Kamakailan nga ay pinahayag na mayroon tayong balanse na kulang-kulang isang bilyon at ito ang sa kasalukuyan ang hinihingan namin ng clearance muna. If good to go, kumbaga, agad-agad natin na ise-settle ito sa kanila,” sabi ni Baleña.

Pagtitiyak ni Baleña sa publiko na may sapat na pondo ang PhilHealth para sa pagbabayad ng utang sa PRC.

Una nang sinabi ng PRC na mananatiling nakahinto ang pagsasagawa nila ng COVID-19 testing hanggang sa mabayaran ng PhilHealth ang utang nito na nasa higit 930 million pesos.

Facebook Comments