PhilHealth, tiniyak sa Kamara na may kasunduan na sa pagitan ng mga pribadong ospital kaugnay sa mga hindi pa nababayarang claims

Tiniyak ng PhilHealth sa Kamara na puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga partner hospital para solusyunan ang isyu ng hindi nabayarang claims ng health state insurer partikular na ang mga kasong may kaugnayan sa COVID-19.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Health, binusisi ni Committee Chairman Angelina Tan ang usapin at tinanong ang PhilHealth kung ano ang update sa sigalot lalo’t umabot pa sa puntong nagbanta ang mga pribadong ospital na kakalas o hindi magre-renew ng akreditasyon sa PhilHealth sa 2022.

Sinabi ni PhilHealth President Dante Gierran, nagkaroon na ng kasunduan ang PhilHealth at Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) kaugnay sa utang na hindi pa nababayaran sa mga ospital.


Nagpulong aniya sila kasama si Dr. Jose Rene de Grano ng PHAPi at mga kinatawan ng St. Luke’s Medical Center.

Sinabi ng PhilHealth chief na mayrooong nabuong kasunduan dito kabilang na ang pagrebisa at pagpapabilis sa pagproseso at pagbabayad ng claims.

Dagdag pa sa napagkasunduan ay ang agarang pagbabayad ng 60% ng claims sa pamamagitan ng debit-credit payment method (DCPM) sa first time availers habang 20% naman para sa mga 2nd time availer.

Paiigtingin din aniya nila ang kanilang IT solutions upang mapabilis ang proseso ng claims sa pagitan ng mga ospital.

Facebook Comments