Manila, Philippines – Nilinaw ni Jojo del Rosario, senior vice president ng philhealth na hindi polisiya ng ahensya na kasuhan ang mga lumulutang na whistleblower kaugnay ng mga matiwaling transaksyon sa ahensya at sa mga doktor at mga partner institutions.
Ginawa ni Rosario ang paglilinaw upang pawiin ang posibilidad na matakot o wala nang magbunyag ng katiwalian sa gobyerno dahil sila ay makakasuhan.
Kasunod ito ng pagkakasama sa kaso ng ghost dialysis patients ng Wellmed Medical Center ng mga dating staff nito na sina Edwin Roberto at Liezel de Leon na nagbunyag sa ghost dialysis patients noong July 12.
Paliwanag ng Senior Vice President ng philhealth na isinama lamang ang pangalan ng dalawa dahil sa pangangailangan na kuhanin ang kanilang testimonyo.
Ito aniya ay pangangailangan o requirement sa proseso ng pagtanggap sa kanila sa Witness Protection Program (WPP).
Sa buong panahon aniya matapos silang isailalim sa inquest proceedings ay nanatili sila sa kustodiya ng NBI.