Philippine Air Force C-295, naghatid sa mga labi ng hazing victim na si John Matthew Salilig sa Zamboanga City

Maliban sa tactical airlift mission, ginamit din ang C-295 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa paghahatid sa mga labi ng Adamson University chemical engineering student na si John Matthew Salilig na namatay dahil sa hazing.

Ayon kay PAF Public Affairs Office Chief Col. Ma. Consuelo Castillo, mula Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City inilipad ng nasabing aircraft ng Air force ang mga labi ni Salilig sa Edwin Andrews Air Base sa Zamboanga City.

Sinabi pa ni Castillo na bahagi ito ng kanilang serbisyo publiko maliban pa sa regular nilang misyon na search & rescue operations, air defense at iba pa.


Kasunod nito, mariing kinokondena ng PAF ang sinapit ni Salilig mula sa kanyang mga ka-frat members mula sa Tau Gamma Phi.

Ani Castillo, isang paglabag sa karapatang pantao at pagyurak sa dignidad ang hazing.

Kasabay nito, taos puso ding nakikiramay ang PAF sa naulilang pamilya ni Salilig at umaasang mapapasakamay nila ang hustisya sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments