Nagpapatuloy ngayon ang limang araw na bilateral activity sa pagitan ng Philippine Army at U.S Army Pacific patungkol sa cybersecurity.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, ginagawa ang bilateral activity sa Philippine Army Officers’ Clubhouse, Fort Bonifacio, Taguig na nagsimula kahapon.
Layunin aniya nitong mapaangat pa ang cyber capabilities at competencies ng Philippine Army sa pagsasagawa ng defensive cyber-operations at active defense operations.
Ang aktibidad din aniyang ito ay bahagi ng 5-year engagement plan ng Philippine Army At U.S Army Pacific.
Tutok ang limang araw na aktibidad sa lectures, demonstration ng iba’t ibang cybertools, at hands-on practical exercises.
Sa panig ng Philippine Army, mayroon silang 60 Cyberworkforce at dalawang tauhan mula sa Communications, Electronics and Information Systems Service ng AFP.
Naniniwala naman si Army Commanding General Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., na malaki ang maitutulong ng aktibidad na ito sa Army’s cyberdefense capabilities.