Muling nanindigan ang Philippine Army na umiiral sa kanilang organisasyon ang mataas na pamantayan sa pagdidisiplina sa hanay ng kanilang mga sundalo upang magampanan ang kanilang mandato na paglingkuran ang mamamayan at protektahan ang ating bayan.
Pahayag ito ng Philippine Army matapos mapag-alamang mga dating sundalo ang sangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa noong Sabado.
Ayon kay Army Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad, na-dismiss na sa serbisyo sina Joric Labrador; Joven Aber at Benjie Rodriguez dahil sa kanilang pagkakasangkot sa iligal na droga at Absence Without Official Leave (AWOL).
Ang mga ito ay may ranggong corporal at isa sa kanila ay dating Scout Ranger na bihasa sa anti-guerrilla jungle warfare, raids, ambushes, close-quarters combat, urban warfare at sabotage.
Samantala, sinabi rin ni Trinidad na noon pa man ay seryoso ang liderato ng Phillippine Army sa pagtanggal ng eskalawag sa kanilang hanay.
Kasunod nito, suportado ng Phil. Army ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang agad na maresolba ang pamamaslang kay Degamo at iba pa at papanagutin ang mga nasa likod ng krimen.
Nitong weekend, nagkasa ng operasyon ang 3rd Infantry Division at Police Regional Office 7 na nagresulta sa pagkakadiskubre sa ilang high-powered firearms at iba pa na ginamit sa pag-atake kay Governor Degamo.