Inilagay na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng kanilang unit sa heightened alert para sa nalalapit na Undas 2021 mula October 29 hanggang November 3, 2021.
Ayon kay PCG Commandant Vice Admiral Leopoldo Laroya, inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong weekend para umuwi at bisitahin ang kanilang kamag-anak sa mga probinsya.
Maging ang pagdagsa ng mga turista na pawang mga fully vaccinated na ay kanila na ring inaasahang dadagsa para magtungo sa ilang mga tourist destinations matapos payagang magbukas ang mga ito ng gobyerno.
Sinabi ni Vice Admiral Laroya na magsasagawa ang Coast Guard District ng 24/7 na monitoring sa pantalan at karagatan, partikular sa area ng Visayas, kung saan karamihan ng tourist destinations ay makikita rito.
Nais ng opisyal na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng mga babiyahe sa Western at Eastern seaboards, gayundin sa mga ruta ng inter-island.
Dagdag pa ni Vice Admiral Laroya, nakahanda na ang kanilang deployable response groups at PCG Auxiliary para sa anumang oras na kakailanganin ang operasyon.
Pinapaalahanan naman ng PCG ang mga pasahero sa pantalan at mga turista na maging mapagmatyag sa darating na holiday season para maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.
Hinihimok naman ng pamunuan ng Coast Guard ang publiko na alamin muna ang mga ipinatutupad na ordinansa ng mga local government units (LGU) na kanilang pupuntahan, lalo na’t may kaniya-kaniya silang patakaran na ipinatutupad.