Patuloy na naghahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posibleng maapektuhan ng Bagyong Auring.
Kaugnay nito, naglabas na ng direktiba ang PCG sa kanilang mga coast guard units na dadaanan ng bagyo na paigtingin pa ang ginagawa nilang precautionary measures.
Ayon kay PCG Spokesperson Commander Armand Balilo, ito’y upang makamit ang ‘zero maritime incident’ kung saan pinaghahanda na rin nila ang kanilang disaster response operations.
Naka-heightened alert na ang mga Coast Guard District sa Davao Region, Northern Mindanao, Visayas at Southern Luzon para masiguro ang kahandaan ng nga ito sa paparating na Bagyong Auring.
Inihanda na rin ng PCG ang kanilang deployable response groups (DRGs), quick response teams (QRTs), iba pang coast guard vessels, air assets at land mobility para sa pagresponde sakaling kailanganin ng evacuation at rescue operations.
Naglabas na ng “no sail policy” ang mga station commanders ng Coast Guard sa mga maaapektuhang mangingisda, ship crew at iba pang maritime stakeholders dahil na rin sa masamang panahon dulot ng paparating na bagyo.