Patuloy ang pakikipag-ugnayan ngayon ng Philippine Embassy sa Vienna, sa mga miyembro ng Filipino community sa Austria kasunod ng terror attack doon.
Nakatutok din ang embahada sa mga development doon lalo na’t pinagbabawalan ngayon ng Vienna Police na lumabas ng bahay ang mga residente.
Sa ngayon, hindi pa matukoy kung ilang mga suspek ang nagpaulan ng assault rifle sa anim na lugar sa Central Vienna.
Sa nasabing terror attack, isa ang nasawi habang marami ang nasugatan kabilang na ang isang police officer.
Isa rin sa mga gunmen ang napatay ng pulis habang ang ilan ay nakatakas kaya pinapayuhan ang publiko na manatili sa kanilang tahanan.
Sa pinakahuling report na nakalap ng Philippine Embassy, walang Pilipinong nadamay sa pag-atake pero mahigpit ang abiso ng embahada sa mga Pinoy doon na maging alerto at manatili sa loob ng kanilang tirahan.