Philippine Embassy sa Lebanon, naglabas ng hotlines sa harap ng kaguluhan doon

Pinapayuhan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Pilipino doon na tumawag lamang sa hotline ng embahada o di kaya ay mag-email kapag kailangan ng tulong.

Sa harap ito ng kaguluhan doon kung saan kamakalawa ay nagkaroon ng street violence na yumanig sa Beirut.

Ayon sa embahada, maaari silang tawagan sa contact information: +961 70858086 at beirut.pe@dfa.gov.ph.


Una nang tiniyak ng Philippine Embassy sa Lebanon na walang Pilipinong nasaktan sa nangyaring street violence.

Patuloy naman na mino-monitor ng embahada ang sitwasyon doon sa harap ng pinaiiral na Alert Level 2 (Restriction Phase) sa gitna ng political-economic situation sa nasabing bansa.

Pinapayuhan din ang Filipino community na maging alerto, iwasan ang paglabas ng bahay kung wala namang mahalagang pakay at iwasang magtungo sa matataong lugar.

Facebook Comments