Manila, Philippines – Itinakda na sa unang Linggo ng Oktubre ang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety sa House Bill 6208 o ang Philippine Legislative Police.
Tumanggi muna si Antipolo Rep. Romeo Acop, Chairman ng komite, na magkomento sa panukala hanggat hindi pa nasisimulan ang pagdinig.
Ayon naman kay Isabela Rep. Rodito Albano, maganda ang konsepto ng panukala ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas dahil hindi na aasa ang mga mambabatas sa mga pulis at sundalo para sa kanilang seguridad.
Pero payo ni Albano, mainam na aralin muna ito ng liderato ng Kamara at timbangin ang mga pros at cons ng panukala.
Dapat pa rin na ito ay may sanctions at nasa ilalim pa rin ng kapangyarihan ng Konstitusyon at ng Pangulo upang hindi mauwi sa pangaabuso.
Maliban sa mga kongresista na nasa 300 mahigit ang bilang, posibleng umabot sa mahigit isang libo ang pwersang magbabantay lalo na kung kasama pa sa bibigyan ng seguridad ay pamilya ang mga kamag-anak ng mga ito.