Manila, Philippines – All system go na ang Philippine National Police para sa Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit.
Ayon kay PNP Chief Dir. Gen Ronald Dela Rosa, nakahanda silang rumespunde sa anumang banta ng terorismo sa Metro Manila kung saan gaganapin ang ilang aktibidad ng summit.
Aniya, mahigit 20,000 pulis ang ipapakalat simula Linggo, April 23.
Karamihan sa kanila aniya ay galing sa National Capital Region Police Office at handa silang rumesponde sa kahit anumang banta sa seguridad.
Sinabi naman ni Inter-Agency Task Force Commander Dir. Napoleon Taas, na hindi gaya ng mga nakaraang malalaking pagtitipon, hindi masyadong maghihigpit sa mga lansangan ang PNP.
Tanging ang Philippine International Convention Center (PICC) lang aniya ang naka-lockdown o bawal puntahan simula Abril 28.
Alinsunod aniya ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na iwasang maperwisyo ang mga motorista sa mga araw ng pagtitipon.
Maliban rito, tiniyak ng PNP na nakahanda rin sila sa anumang protestang gagawin ng mga militanteng grupo.