
Nagpadala ang Philippine Navy ng Naval Task Group 80.5 sakay ng BRP Antonio Luna (FF151) patungong Malaysia para sa dalawang malalaking naval exercises.
Pinangunahan ni Major General Edwin Amadar, Vice Commander at Acting Flag Officer in Command ng PN, ang send-off ceremony nitong Aug. 9 sa Naval Operating Base Subic.
Unang lalahok ang PN contingent sa 3rd ASEAN Multilateral Naval Exercise (AMNEX) mula Aug. 15-22, 2025 sa Penang Island, Malaysia, kasabay ng ASEAN Fleet Review.
Layon nitong palakasin ang samahan at kooperasyon ng mga navy sa ASEAN sa pamamagitan ng harbor activities at at-sea exercises para tugunan ang mga hamon sa maritime security.
Kasunod nito, sasabak din ang tropa sa 25th Maritime Training Activity MALPHI LAUT 2025, isang bilateral exercise kasama ang Royal Malaysian Navy mula Aug. 25-29, 2025.
Dito mas paiigtingin pa ang ugnayan sa seguridad pandagat sa pamamagitan ng joint planning, navigation at tactical engagements.
Sinabi ni Amadar na patunay ang paglahok na ito ng paninindigan ng Philippine Navy sa pagpapalakas ng regional maritime cooperation at pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.









