Iginiit ngayon ng Philippine Nurses Association na de kalidad na bakuna pa rin kontra COVID-19 ang dapat ibigay sa mga medical frontliner.
Ang reaksyon ng grupo ay kasunod nang pagdating sa Linggo, Feb. 28, 2021 ng Sinovac vaccine ng China, ang unang anti-COVID-19 vaccine na darating sa Pilipinas na sya ring unang ituturok sa mga nasa priority list ng gobyerno, kasama na ang healthcare frontliners.
Sa interview ng RMN Manila kay Philippine Nurses Association President Prof. Melbert Reyes, binigyan-diin nito na katulad sana ng de kalidad na serbisyon na ibinibigay ng mga nurse sa bansa, ang bakunang ilalaan sa kanila ng gobyerno.
Ayon kay Reyes, bagama’t pabor ang halos lahat ng nurses na mabakunahan, mas gusto pa rin nila yung brand na mas mataas ang efficacy rate.
Samantala, nanawagan naman si Philipine Foundation For Vaccination Director Dr. Lulu Bravo sa publiko na magtiwala sa mga eksperto sa bakuna dahil tiyak na ligtas at epektibo ito.
Ayon kay Dr. Lulu, hindi dapat ikumpara ang mga bakuna dahil iba-iba ang naging basehan ng mga ito at ang mahalaga ay ang rekomendasyon ng mga dalubhasa.