Ipagpapatuloy na ng Philippine Red Cross (PRC) ang COVID-19 testing lalo na sa mga Pilipinong dumarating sa mga paliparan.
Ito ang inanunsyo ni PRC President and CEO, Senator Richard Gordon matapos magbayad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ₱500 million bilang paunang bayad sa utang nito na pumapalo sa ₱1.1 billion.
Ayon kay Gordon, natanggap na nila ang partial payment ng PhilHealth.
Dahil dito, pinabubuksan ni Gordon muli ang lahat ng COVID-19 laboratories ng PRC para sa PhilHealth.
Handa na nilang isalang sa COVID-19 testing ang sinumang hindi pa nagpapa-test.
Unang binuksan kagabi ang testing sa Manila International Airport habang ngayong araw ay isasagawa ang regular full testing.
Magpapadala na rin ng sulat ang PRC kung saan hinihiling sa PhilHealth na bayaran ang natitirang utang nito.
Hindi naman magbibigay si Gordon ng deadline sa PhilHealth sa pagbabayad ng balance nito.
Nagpasalamat din si Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad sa pangako nitong babayaran ng pamahalaan ang utang nito sa Red Cross.