Philippine Red Cross, nanindigang hindi na kakayanin ang gastos kung itutuloy ang COVID-19 testing sa mga returning OFWs na sponsored ng PhilHealth

Kailangan munang bayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang halos isang bilyong piso nitong utang, bago ang muling pagsasagawa ng COVID-19 test sa mga returning Filipinos.

Ito ang binigyan diin ni Philippine Red Cross (PRC) Secretary General Elizabeth Zavalla sa interview ng RMN Manila kasunod ng kanilang hakbang na itigil ang COVID-19 testing para sa returning OFWs na sponsored ng PhilHealth.

Paliwanag ni Zavalla, hindi na kakayanin ng PRC na abonohan muna ang gastos para sa COVID-19 testing ng PhilHealth dahil marami ring gastusin ang kanilang ahensya, partikular sa emergency response.


Noong September 25, 2020, nagpulong sina PRC Chairman Senator Richard Gordon, PhilHealth Chief Dante Gierran at Health Sec. Francisco Duque III kaugnay sa isyu kung saan pumayag ang Red Cross na mula sa 3,500 pesos ay kanilang ibinaba sa P3,409 ang presyo ng COVID-19 test.

Pero, panawagan ng opisyal sa PhilHealth, madaliin na ang pag-aayos ng usapin ng kanilang pondo sa Depertment of Budget and Management upang mabayaran sila at muling makapagsagawa ng testing.

Nabatid na nasa higit isang milyon mula sa 4.2 million tests na isinasagawa sa buong bansa ay mula sa Red Cross.

Facebook Comments