Philippines – China Coast Guards, nagkasundong maglagay ng emergency hotline sa pagresponde sa West Phil. Sea

Manila, Philippines – Nagkaroon na ng kasunduan bago pa man nagsimula ang mga pormal na pagpupulong ng mga bansa na kalahok sa ASEAN kasama na ang China at Pilipinas sa pamamagitan ng mga Coast Guard na magkaroon ng Emergency Search and Rescue hotline para sa lahat ng maritime incidents sa West Philippine Sea noong noong ika-sampu ng Nobyembre, sa Beijing, China.

Ayon kay Commodore Joel Garcia, Officer-in-Charge ng Philippine Coast Guard, tinalakay sa First High-Level Security Visit na magtutulungan ang dalawang bansa para iwasan ang hindi pagkakaintindihan dahil sa mga deployments ng mga barko sa Bajo de Masinloc at sa Spratlys Islands na ang layon lamang ay magsagawa ng search and rescue operations.

Dahil dito isang Hotline Communication Mechanism ang ilalagay ng Chinese Ministry of Transport sa pamamagitan ng kanilang Maritime Rescue Coordinating Council sa PCG Coast Guard Action Center na may kapasidad na tumanggap ng mga emergency calls at video conferencing sa lahat ng stations ng Coast Guard sa Western Seaboard ng Pilipinas mula Jolo hanggang Batanes.


Paliwanag ni Garcia sa naturang hotline, magiging mabilis ang pagresponde ng mga ahensiya sa anumang maritime incident sa West Philippine Sea.

Kasama sa mga tinalakay ay ang pagsagawa ng mga port visits ng mga barko ng PCG at China Coast Guard sa first Quarter ng 2018.

Facebook Comments