PhilMech, muling namahagi ng mga makinarya sa mga magsasaka sa Nueva Ecija

Pinangunahan ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) Executive Director Dionisio Alvindia ang Provincial Turnover at Agricultural Machinery Distribution sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program sa Nueva Ecija.

Ginanap ang aktibidad sa Science City of Muñoz kung saan dumalo rito si Usec. Domingo Panganiban ng Department of Agriculture (DA) kasama ang alkalde ng lungsod na si Mayor Baby Armi Alvarez.

Sa naging pahayag ni Dir. Alvindia, malaking bagay o tulong ang mga makinarya na kanilang ipagkakaloob sa mga magsasaka para mas lalo pang umunlad ang kanilang kabuhayan.


Sinabi pa ni Alvindia na sa naging datos PhilMech, nasa 20,922 unit ng makinarya ang kanilang naipamigay sa ilalim ng nasabing programa sa buong bansa.

Katumbas ito ng nasa 1.3 milyon na magsasaka na nabenipisyuhan.

Nasa 4,068 naman sa mga nasabing magsasaka ang dumaan sa mga pagsasanay para maging mga operator, service providers at negosyante.

Aniya, nagkaroon rin ng pagkakaisa ang mga magsasaka at dahil dito, naging maganda ang pakikipag-ugnayan nila at ng mga kooperatiba bunsod ng RCEF Mechanization Program.

Kaugnay nito nasa 78 rice processing system sites ang naitayo sa buong bansa at may mga itatayo pa para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Bunsod ng program ng PhilMech, tumaas ang ani ng mga magsasaka dahil sa pagbabago ng production cost gamit ang makinarya at nagkaroon sila ng mas mahabang oras kapiling ang pamilya.

Facebook Comments