PHILRECA PARTYLIST: “Hindi kaya ng Electric Cooperative ang ‘NO DISCONNECTION’ sa 100-Kilowatt hour”

Cauayan City, Isabela- Iginiit ni PHILRECA Partylist Congressman Presly De Jesus na ‘case-to-case basis’ ang kanilang gagawing pagtugon sa usapin ng ‘No Disconnection Policy’ para sa mga household na kokonsumo ng 100 kilowatt-hour kada buwan.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Cong. De Jesus, kanyang inihalimbawa ang kooperatiba sa Batanes kung saan kapag naibigay ang 100-kilowatt-hours ay mawawalan umano ng koleksyon ang kooperatiba sa probinsya at maaaring bumagsak ang kita ng mga ito.

Ayon pa sa kanya, tulad ng publiko ay naapektuhan rin ng pandemya ang mga electric company at sana raw ay nagkaroon muna ng konsultasyon ang Department of Energy sa mga electric company bago nagrekomenda ng hakbang kay Pangulong Duterte.


Sinabi pa ng mambabatas, hindi kakayanin ng ilang electric firm ang hindi pagputol ng suplay ng kuryente sa mga kokonsumo ng 100 kilowatt-hours dahil mga private distribution lang ang maaaring magbigay ng ganitong kalaking konsumo.

Paliwanag pa nito, umiikot lang ang mga bayarin ng mga member-consumer dahil kinakailangang bayaran ang power generation o kuryenteng binibili sa pandaigdigang merkado para sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng suplay ng kuryente.

Samantla, ilang buwan rin aniya na hindi namutol ang mga electric cooperative noong kasagsagan ng lockdown nitong nakalipas na taon habang umabot naman sa higit P400 milyon ang naipamahaging libreng suplay ng kuryente sa mga household.

Tiniyak naman ni De Jesus na mananatili pa sa ngayon ang pagtanggal sa multa sa mga hindi nabayarang electric bill sa mga nakalipas na buwan dahil pa rin sa nararanasang pandemya.

Facebook Comments