PHILRECA Partylist Rep. De Jesus: “Para sa akin talaga ay Pinepersonal Ako”

Cauayan City, Isabela- Nanindigan si PHILRECA Partylist Rep. Presley De Jesus na personal umanong atake ang pagkwestyon sa kanya bilang miyembro ng Board of Directors ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO 1).

Ito ay makaraang maghain ng reklamo sa National Electrification Administration (NEA) si dating Isabela 2nd District Board Member Atty. Karen Abuan at ang paggisa naman sa kanya sa ilang usapin matapos ang ginawang pagdinig ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Rep. De Jesus, hindi umano nito alam ang dahilan sa kaliwa’t kanan na patutsada laban sa kanya at pagkwestyon sa kanyang panunungkulan bilang kinatawan ng mga electric company sa buong bansa.


Sa kabila nito, patuloy umano ang gagawing paglilingkod ng mambabatas sa kabila ng banat na ipinupukol sa kanya at paulit-ulit din nitong iginiit na hindi siya ‘kapit tuko’ sa posisyon at handa umano siyang lisanin ang kanyang pwesto kung iuutos ng korte.

Samantala, nagpatutsada rin ito sa mga taong nasa likod ng umano’y pagpapatalsik sa kanya bilang Board of Director ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO 1).

Sa huli, naniniwala siyang walang nilabag na batas dahil bago pa umano ito maging miyembro ng BOD ng ISELCO-1 at maging kinatawan ng PHILRECA Partylist ay komunsulta umano ito sa Electric Regulatory Commission, COMELEC at National Electrification Administration.

Facebook Comments