PHILRECA Partylist Rep. De Jesus, Pinasisibak bilang BOD Member ng ISELCO 1

Cauayan City, Isabela- Pinatatanggal bilang miyembro ng Board of Directors ( BOD) ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO-1) si PHILRECA Partylist Representative Presley De Jesus.

Ito ay makaraang maghain ng reklamo sa National Electrification Administration (NEA) si dating Isabela 2nd District Board Member Atty. Karen Abuan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Abuan, dapat umano ay tinanggihan na ni De Jesus ang pagiging miyembro ng Board of Directors ng kooperatiba makaraang siya ay mahalal bilang Congressman sa House of Representatives noong 2019 national and local election.


Sa ilalim naman ng National Electrification Administration Reform Act of 2013, nakapaloob na sa local election ang hindi umano dapat payagan na mapabilang na miyembro ng Board of Director ng isang electric cooperative ang isang halal na opisyal.

Pero tugon dito ni Abuan, nakasaad lang umano sa probisyon na local elections pero ang totoong rason ukol dito ay dapat ‘independent ang local board’ o dapat nakahiwalay ito para mapabilang sa isang kooperatiba.

Giit pa ni Abuan, malinaw umano na mas angat ang ginawang batas ng kongreso kumpara sa utos lamang ng NEA hinggil sa pagpapanatili kay De Jesus na maging miyembro ng Board of Directors.

Samantala,posibleng mapabilis umano ngayon ang pagtugon ng NEA hinggil sa inihaing reklamo ng kampo ni Abuan matapos sibakin sa tungkulin ni Pangulong Duterte si NEA Chief Edgardo Masongsong dahil umano sa katiwalian.

Paliwanag ni Abuan, noong panahon na miyembro pa ng Board of Directors ang kanyang ama na si Atty. Federico Abuan ay hindi umano hinarap at tinugunan ng pamunuan ng NEA ang mga reklamong inihain noon nito laban sa ISELCO-1.

Maliban pa dito, matatandaan din umano na nagpatawag ng pulong ang Sangguniang Panlalawigan ng Isabela sa ISELCO 1 at 2 upang sagutin ang isyu hinggil naman sa mataas na singil ng kuryente.

Pero ayon kay Abuan, naresolba na ang isyu ng ISELCO 2 habang hanggang ngayon ay hindi pa umano nagsusumite ng dokumento ang pamunuan ng ISELCO 1 kaya’t hindi pa nila nareresolba ang nasabing usapin.

Binigyang diin pa ni Abuan, sa kabila ng panawagan na patalsikin sa pwesto si Masongsong dahil umano sa katiwalian ay pinayagan umano nito ang lahat ng Electric Company sa bans ana magdonate ng campaign funds sa PHILRECA partylist.

Facebook Comments