Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Christilu Geronimo, PSA Statistical Specialist at Philsys In Charge sa Isabela, kanyang sinabi na itutuloy nila ang gagawing pagpoproseso ng National ID sa January 24 hanggang June 20 para sa unang semester ng taong 2022.
Ayon kay Ms. Geronimo, as of November 2021, nasa 71,430 Philippine Identification Card na ang naiisyu ng PSA sa Isabela kabilang na ang mga nasa post office sa Lalawigan.
Mula naman sa total population ng Isabela as of May 2020 na 1,697,050, target ng nasabing ahensya na mabigyan ng National ID ang mahigit 1,533,000 na Isabelino kung saan nasa mahigit 700,000 na lamang ang kailangang mabigyan sa probinsya.
Hinihikayat naman ang publiko na hindi pa nakapag rehistro o nakakuha ng nasabing ID na magtungo sa pinakamalapit na registration center gaya sa SM City Cauayan, Robinsons Place sa Santiago City at sa PSA Office sa City of Ilagan o di kaya’y sa munisipyo.
Kinakailangan lamang aniyang magdala ng Identification Card at Birth Certificate.
Kung walang Birth Certificate, maaaring kumuha ng Barangay Certification sa Kapitan na nagpapatunay ng pagkakakilanlan.
Ayon pa kay Gng. Geronimo, tatanggapin na ng bawat registration centers sa Probinsya ang sinumang gustong magparehistro o kumuha ng National ID kahit na hindi residente ng Isabela.
Samantala, inamin naman ni Gng. Geronimo na marami silang natanggap na mga reklamo hinggil sa maling datos ng mga nagparehistro subalit inaasikaso na ng kanilang ahensya ang nasabing problema.
Paalala naman nito sa lahat ng mga magpaparehistro na tignang mabuti ang mga inilagay na datos at impormasyon bago pa mai-upload sa server ng PSA para maiwasan ang pagkakaroon ng problema.