Pinasisilip ng Makabayan sa Kamara ang umano’y napaulat na phishing scam sa mga guro na naka-payroll o may account sa LandBank of the Philippines.
Ito’y makaraang mabiktima ang nasa halos 20 mga public school teacher ng phishing scam gamit ang kanilang account sa LandBank kung saan ilan sa mga ito ay natangayan ng P10,000 hanggang P150,000 sa kanilang savings.
Inaatasan ng Makabayan sa House Resolution 2484 ang House Committee on Basic Education and Culture na pangunahan ang imbestigasyon “in aid of legislation” kaugnay sa insidente ng scam na nakaapekto sa payroll accounts ng mga guro sa LandBank.
Bubusisiin sa pagsisiyasat kung ano na ang mga hakbang na ginawa ng Department of Education (DepEd) para sa mga gurong nawalan ng sahod at ipon.
Nauna nang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nangyaring phishing scam ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ) at maging ang LandBank.
Dapat din umanong itrato ng DepEd ang kaso ng may “urgency” at magsimula na rin ng sariling imbestigasyon.