Magsasagawa ng evaluation ang Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung ibababa na ang alerto sa Bulkang Taal.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang alert level 4, kung saan pinangangambahan ang isang malakas na pagsabog.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Ma. Antonia Bornas – inaalam nila kung magkakaroon pa ba ng isang explosive eruption o kung magtutuloy-tuloy ang volcanic activity ng Taal.
Aniya, ang paghina ng aktibidad ng bulkan ay tila nagpahinga lang dahil may mga paggalaw pa ring nangyayari sa ilalim nito.
Kabilang na rito ang mga minor explosions at steaming sa bukana ng bulkan.
May naitatala pa rin silang mataas na amount ng sulfur dioxide na lumalabas sa bulkan, na ibig sabihin ay may umaakyat na magma.
Base sa standard operating procedure ay kailangang maghintay ng hanggang dalawang linggo bago ibaba ang alert level.