Pasado na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa botong 23 pabor at walang tumutol.
Naging mabilis ang botohan sa plenaryo ng panukala na layong bigyan ng makabagong kagamitan at imprastraktura ang PHIVOLCS.
Layunin din ng modernisasyon na paghusayin pa ang pananaliksik, ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko at higit pang pagpapalawak ng kakayahang i-monitor ang mga sakuna.
Sinabi ni Senator Joel Villanueva na sa oras na maisabatas ang PHIVOLCS modernization ay mapapalawak nito ang kanilang monitoring network, mapabuti ang kanilang research at masusuportahan din nito ang professionalization at paglago ng kanilang mga tauhan.
Dagdag pa ng senador, ang pag-modernisa sa PHIVOLCS ay hindi lang pag-i-invest sa science and technology ng bansa, kundi pag-i-invest din ito sa kaligtasan at resiliency ng bansa.