Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kaugnay ng tumataas na lebel ng sulfur dioxide na ibinubuga ng Bulkang Taal.
Batay sa PHIVOLCS, sa loob ng dalawang araw naitala nila ang mataas na lebel ng sulfur dioxide kung saan pinakamataas ay noong June 10 na umaabot sa 9,911 tons.
Lumikha rin ang bulkan ng steam plume na may taas na 1.5 kilometers na bumagsak sa hilagang kanluran ng Taal .
Dahil sa epekto ng sulfur dioxide, nakaranas ng pagkairita sa lalamunan ang mga residente at natuyo ang mga gulayan at halaman sa ilang barangay sa Agoncillo, Batangas.
Paliwanag ng PHIVOLCS, ang pagbuga ng sulfur dioxide ay isang senyales na patuloy na paggalaw ng magma sa Bulkang Taal na pwedeng makaapekto sa mga kominudad sa paligid nito.