Nagbabala ang PHIVOLCS sa malalang pinsala na maaaring idulot ng inaasahang malakas pa na pagputok ng Bulkang Taal.
Ito ay bunsod na rin ng inaasahang hazardous explosion ng bulkan sa mga susunod na oras na may posibilidad pa na itaas ang alert sa Level 5.
Ayon kay Usec. Renato Solidum, patuloy pa rin ang nararamdamang pagyanig dulot ng pag-akyat ng magma sa bulkan.
Maliban dito, tuluy-tuloy pa rin sa mga oras na ito ang pagbuga ng maitim na usok mula sa bunganga ng Taal.
Nakapagtala din mula kaninang umaga ng 269 volcanic earthquakes ang Phivolcs.
Sakaling mangyari ang hazardous explosion o mapanganib na pagsabog ng Mt. Taal, pinakaapektado dito ang nasa 14-km radius.
Bukod dito, asahan na rin ang malawakang fish kill dulot ng sulfur sa magma na maaaring humalo sa tubig.
Asahan naman na aayos ang sitwasyon dito sa Metro Manila o mababawasan ang nararanasang ashfall dahil pa-NorthEast na ang direksyon ng hangin.