Nakitaan pa ng ibang bitak ang ilang lugar malapit sa Taal volcano bukod sa naunang natuklasan sa bayan ng Lemery sa Batangas.
Base sa ulat ng Phivolcs, ang mga bagong bitak ay nakita sa Sambal Ibaba sa Lemery.
Bukod pa ito sa mga bitak na unang nakita sa mga Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang Poblacion, mataas na bayan sa Lemery, Pansipit, Bilibinwang sa Agoncillo, Poblacion 1,2,3,4,5 sa Talisay,at San Nicolas Poblacion.
Sa media briefing ng PHIVOLCS kinumpirma din ni PHIVOLCS Volcanic, Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Maria Antonia Bornas na nagkaroon na ng pagtuyo ng tubig sa Pansipit river pati na sa main crater lake.
Bukod dito nakitaaan din ng pagbuo ng bagong vent ceater sa loob ng main crater at sa hilagang bahagi ng bulkan.
As of 4 pm ngayong hapon, nakapagtala na ang PHIVOLCS ng 520 volcanic earthquake mula noong January 12.
169 sa kabuuang bilang ang naramdaman na may intensity 1 hanggang 5.
Mula alas 5 ng umaga hanggang alas 4 ngayong hapon, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 53 volcanic earthquake.
12 dito ay naramadaman mula sa intensity 1 at 3 patunay na patuloy na pumapanhik ang magma sa loob ng bulkan.
Nanatiling nakataas ang alert level 4 sa bulkan at hindi inaalis ang posibilidad na magkaroon ng major eruption, anumang oras o araw.