Naglabas ng abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na mag-ingat sa posibilidad ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Ito’y matapos makapagtala ng 89 volcanic earthquakes na pinakamataas nang seismic activity ng naturang bulkan simula nang isailalim sa Alert Level 1 status.
Ayon sa PHIVOLCS, karamihan sa mga naitalang lindol sa bulkan ay “high-frequency” quakes na iniuugnay sa hydrothermal activity o pagpapakulo ng tubig sa ilalim nito.
Dagdag pa, wala ring nalaman na sulfur dioxide emission habang patuloy pa ring mino-monitor ang mahinang pagbuga ng puting usok mula sa mga aktibong vents.
Sinabi rin ng PHIVOLCS, bahagi lamang ito sa pag-adjust ng bulkan pero hindi pa masasabi kung may gumagalaw na magma sa ilalim.
Kaya pagdidiin ng naturang ahensya, iwasan muna ang pagpasok sa 4-kilometer danger zone ng Bulkang Bulusan.