Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi pa rin kalmado ang Bulkang Taal.
Ito ay kahit nabawasan ang nakikitang surface activities nito at humihina ang mga naitatalang lindol sa paligid ng bulkan.
Ayon kay Phivolcs Director, Undersecretary Renato Solidum – aabot sa 194 volcanic tectonic earthquakes, 13 tremors, siyam na magma movements ang kanilang naitala kahapon.
Aniya, patuloy na pag-akyat ng magma sa bukana ng bulkan.
Sinabi pa ni Solidum – maaaring nag-iipon lamang ng lakas ang bulkan kaya tila nananahimik ito.
Lumalawak din bitak o fissures sa mga bayan ng Lemery, Agoncillo at San Nicolas sa Batangas.
Nananatiling nakataas ang alert level 4 o nangangahulugang mataas ang posibilidad na magkaroon ng malakas na pagsabog.
Samantala, nasa 215,000 na residente mula sa Batangas, Laguna, Quezon, at Cavite ang apektado.
Ipinag-utos na rin ng DILG na ihinto ang pagpapatupad ng “window hours” para sa mga evacuees.
Ang Batangas, Cavite at Tagaytay City ay nasa ilalim pa rin ng state of calamity.