PHIVOLCS, pinaiimbestigahan ng isang kongresista

Pinaiimbestigahan ni Cavite Representative Elpidio Barzaga ang PHIVOLCS dahil sa kawalan ng warning sa kabila ng mga naitalang aktibidad ng Bulkang Taal bago ito tuluyang pumutok.

Pinasisilip ni Barzaga sa House Resolution 643 ang dahilan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung bakit hindi naipabatid sa publiko ang napipintong pag-sabog nito at kung nagsagawa ng komprehensibong monitoring ang ahensya.

Naniniwala si Barzaga na may kakulangan sa pagsasapubliko partikular sa mga kalapit na lugar sa Cavite, Laguna at Batangas lalo na’t sinasabi pa ng PHIVOLCS na March 2019 pa ay nakataas na sa Alert level 1 ang bulkan.


Bukod dito, wala man lamang News Bulletin o SMS Alert ang PHIVOLCS at ibang ahensya ng Gobyerno kaya marami tuloy sa mga tao ang nagsipagakyatan pa ng Taal at hindi nakalikas agad ang mga residente.

Ipapasilip din ng mambabatas kung may sapat na monitoring equipment at kung may technical expertise ang PHIVOLCS para magkaroon ng forecast sa pagsabog ng Taal Volcano.

Ipasisiyasat din ng kongresista ang pagpayag na tumira ang mga tao sa 14km danger zone na delikado sa mga residente at sa mga rescuers.

Facebook Comments