Pinapayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga residente sa labas ng 7-kilometer danger zone na maging alerto pa rin sa sitwasyon ng Bulkang Taal.
Ito’y matapos na ibaba ng PHIVOLCS ang alerto mula sa alert level 4 noong January 12, na ngayon ay alert level 3 na.
Ayon kay Undersecretary Renato Solidum, Director ng Phivolcs, kanila pa ring minomonitor ang lagay ng Bulkang Taal kung saan pinayuhan niya ang mga uuwing residente sa labas ng 7-km danger zone na huwag maging kampante at patuloy na sumunod at tumutok sa abiso ng mga otoridad.
Binabantayan din ng PHIVOLCS ang galaw ng magma sa ilalim ng Bulkang Taal kung ito ba ay mananatili o aakyat at kung magiging aktibo.
Maging ang level ng Sulfur dioxide gas ay bumaba na rin kung saan pawang mga usok na lang ang makikita sa main crater ng Bulkang Taal.
Bagama’t ibinababa sa alert level 3, sinabi ni Solidum na patuloy pa rin ang aktibidad sa Bulkang Taal at maaari pa rin itong sumabog depende sa lagay nito.
Sakali namang magkaroon ng pagbabago at kanilang mamonitor na ito’y muling sasabog, agad nilang ibabalik sa alert level 4 ang sitwasyon at kinakailangan maging alisto at organisado ang mga residente.
Kung patuloy namang bababa ang mga gas at panganib ng Bulkang Taal, posible raw na ibaba sa alert level 2 ang lagay ng bulkan kung saan sa ngayon ay maaari nang magsagawa ng assesment at contingency plan ang lokal na pamahalaan sa mga naaapektuhan ng pagsabog nito.