PHLPost, ikinokonsiderang pasukin ang merkado sa online shopping

COURTESY: SENATE OF THE PHILIPPINES

Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni Philippine Postal Corporation (PHLPost) Officer in Charge for Marketing Maximo Sta Maria na may kinakausap na silang online shopping platform.

Ayon kay Sta Maria, nakalatag na ang kanilang programa hinggil dito at kasama sa kanilang budget sa ilalim ng computerization item.

Tugon ito ni Sta Maria sa mungkahi ni Senator Koko Pimentel sa PHLPost na ikonsidera ang pagbibigay ng delivery at courier service sa mga online shopping platform.


Ito ay makaraang lumabas sa budget hearing na break even o wala na halos kinikita at nai-aambag sa gobyerno ang PHLPost.

Sa report ng PHLpost, noong 2019 ay nasa 1.2-million pesos lang ang net income nito habang nasa 12.3-billion pesos naman ang halaga ng net assets nito at ngayong taon ay binigyan pa ito ng pamahalaan ng 500-milyong pisong subsidiya.

Giit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa PHLPost, magdoble trabaho para mabigyang katwiran ang pananatili nito.

Facebook Comments