‘Photobomber’ sa likod ni Jose Rizal, ‘pinaalis’ ng netizen

Kinagigiliwan online ang suhestiyon ng isang netizen tungkol sa gusaling itinayo sa likod ng bantayog ni Dr. Jose Rizal.

Sa retratrong ibinahagi ni Tata Montenegro, makikitang dinisenyuhan niya ng watawat ng Pilipinas ang binansagang “pambansang photobomber”.

Paliwanag ng uploader, puwede pa maging kaaya-aya sa paningin ng publiko at mairespeto ang Torre De Manila.


“Sa City Council ng Maynila at kay Mayor Isko Moreno at sa may-ari ng building na kung tawagin photobomber at lalo na sa komisyon na namamahala ng ating bandila/watawat, baka pwede na itong aking naisip,” post ni Montenegro sa kaniyang Facebook account.

Matatandaang naging kontrobersyal ang konstruksyon ng naturang condominium dahil sinisira nito ang bantayog ng pambansang bayani. Pagmamay-ari ng kompanyang DCMI ang Torre de Manila.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 20,000 shares ang nakatutuwang ideya ni Montenegro.

Facebook Comments