Dalawang composting machines na nagkakahalaga ng kabuuang Php 699,800 ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa Mangaldan Mango Growers High-Value Crops and Agriculture Cooperative (MMGHVCAC) sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Kabilang sa mga ibinigay na kagamitan ang isang rotary composter na nagkakahalaga ng Php 454,870 at isang biomass shredder machine na may halagang Php 244,930.
Layunin ng inisyatiba ng DA-BSWM na isulong ang paggamit ng organikong pataba sa pamamagitan ng pagtatayo ng Composting Facility for Biodegradable Wastes (CFBW) sa mga kooperatiba ng mga magsasaka. Sa tulong nito, inaasahang mapababa ang gastos sa pataba at mapalakas ang lokal na produksyon sa mga komunidad.
Ayon sa mga opisyal ng kooperatiba, malaking tulong ang mga makinaryang ito sa pagproseso ng mga nabubulok na basura tungo sa organikong pataba, na makatutulong hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa pagpapataas ng ani at kalidad ng mga produktong pang-agrikultura sa Mangaldan at mga karatig-bayan.
Patuloy namang hinihikayat ng DA-BSWM ang mga lokal na kooperatiba na paigtingin ang paggamit ng sustainable farming practices bilang bahagi ng kampanya para sa mas produktibong agrikultura sa rehiyon.









