
Nagbanggaan ang isang pick-up at isang pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Arwas, Bani bandang 1:35 ng madaling araw noong Abril 12, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng pick-up ang naturang kalsada patungong timog nang ito ay bumagal dahil sa sasakyang nasa unahan na liliko pakaliwa. Sa pagkakataong iyon, hindi umano natantsa ng kasunod na bus ang sapat na distansya kaya’t kahit nagpreno ito ay nabangga pa rin ang likurang bahagi ng pick-up.
Sa kabila ng insidente, walang naitalang nasaktan sa parehong driver at mga pasahero ng bus. Gayunpaman, dinala pa rin ang mga ito sa ospital bilang pag-iingat upang masiguro ang kanilang kalagayan.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan, bagama’t patuloy pang tinutukoy ang kabuuang halaga ng pagkasira. Matapos ang insidente, dinala ang mga sasakyan sa himpilan ng pulisya sa Bani para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Patuloy namang pinaalalahanan ang mga motorista na panatilihin ang tamang distansya sa pagitan ng mga sasakyan at maging maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang ganitong uri ng aksidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










