Pinauuwi ng Saudi Arabia sa Pilipinas ang mga labi ng 282 Pilipino roon kabilang ang 50 na nasawi dahil sa COVID-19.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, binigyan ni Saudi King Salman ang Pilipinas ng 72 oras para maiuwi ang mga bangkay pero nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ipalibing na roon ang mga COVID-19 fatalities.
Iuuwi ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga labi sa pamamagitan ng tatlong chartered flights.
Ipinarating din ng OWWA sa Philippine Red Cross (PRC) ang tungkol sa pag-uuwi sa mga labi gayundin sa pagre-repatriate sa nasa 5,000 Pilipinong nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay PRC Chairman at Senador Richard Gordon, susulat siya kay Prince Abdullah na Chairman ng Red Crescent ng Saudi Arabia para humingi ng tulong.
Nasa higit 56,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na mula sa iba’t ibang bansa ang napauwi sa Pilipinas kung saan 40% ay mga land-based workers.
Nasa 17,000 pa ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan.