Sinabi ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na dapat maghain ng panibagong arbitral case ang Pilipinas para pilitin ang China na sumang-ayon sa ground rules sa Panatag o Scarborough Shoal.
Ito ay kasunod ng paglapit ng Chinese Coast Guard vessel sa sasakyang pandagat ng Pilipinas na nasa common fishing ground.
Matatandaang nakasaad sa 2016 arbitral ruling na maaaring mangisda ang China, Vietnam, at Pilipinas sa Panatag Shoal.
Ayon kay Carpio, ang unang dapat gawin ay maglabas ng ground rules tulad ng ilang toneladang isda ang pwedeng hanguin ng bawat bansa sa loob ng isang taon ngunit tumanggi ang China na pag-usapan ito.
Aniya, dapat himukin ang China na sumang-ayon sa ground rules upang hindi madehado ang mga Pilipinong mangingisda.
Dagdag pa ni Carpio na maaaring himukin ang Vietnam na makiisa sa arbitration ng bansa at dapat magsagawa rin ng joint patrols ang Pilipinas kasama ang iba pang mga bansa.
Mahalaga kasing makuha ng Pilipinas ang world opinion o panig ng iba pang mga bansa upang ma-isolate ang China.