Inihihirit ni Vice President Leni Robredo ang pagbuo ng testing bodies na siyang magbabantay sa produksyon ng medical-grade Personal Protective Equipment (PPE) para sa medical frontliners.
Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa proposed ₱679 million budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon, nanawagan si Robredo sa pamahalaan na suportahan ang mga local producer ng protective suits para sa mga healthcare workers.
Iginiit ni Robredo na dapat bigyan ng prayoridad para sa accreditation ang mga local producers lalo na ang maliliit na sewing communities.
Sa kasalukuyan, may ilang local sewing groups ang nakikipag-partner sa mga ospital para siguruhing ang kanilang patterns, designs at textiles ay nakapaloob sa internationally-accepted standards para sa PPE.
Inirekomenda rin ni Robredo sa pamahalaan na gamitin ang mga maliliit na komunidad sa paggawa ng PPE.