Pilipinas, handang magpadala ng search and rescue teams sa Morocco

Nakikipag-ugnayan na ang Office of Civil Defense (OCD) sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa gobyerno ng Morocco.

Ito ay dahil sa posibilidad na magpadala ang gobyerno ng Pilipinas ng contingent sa Morocco makaraan itong yanigin ng magnitude 6.8 na lindol na kumitil ng halos 3,000 katao kamakailan.

Ayon kay OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, labis nilang ikinalulungkot ang trahedya sa Morocco at nais nilang magpadala ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) para tumulong sa nagpapatuloy na search, rescue and retrieval operations.


Ang contingent ay binubuo ng mga personnel mula sa OCD, 525th Engineering Combat Battalion ng Philippine Army, 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection – Special Rescue Unit, Metropolitan Manila Development Authority, Davao Rescue 911, at Department of Health.

Matatandaan noong Pebrero, nagpadala rin ang Pilipinas ng contigent sa Turkiye matapos itong tamaan ng magnitude 7.8 na lindol.

Facebook Comments