Huwag pansinin ng Pilipinas ang naging pahayag ng China na labag sa international law at UNCLOS ang arbitral ruling hinggil sa claim ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ng isang maritime expert na si Prof. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea kung saan bilang tugon din ito sa sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Wang Wenbin na hindi nila tinatanggap at kinikilala ang anumang claim base sa arbitral ruling.
Ayon kay Batongbacal, ginagawa lamang umano ito ng China dahil baka sakaling bumitaw ang Pilipinas sa pag-gigiit sa naturang teritoryo.
Punto ni Batongbacal ay dapat ipagpatuloy lamang ng Pilipinas ang paninindigan sa mga teritoryong pasok sa exclusive economic zone nito.
Pinayuhan din ni Batongbacal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na patuloy na igiit ang The Hague ruling na pumapabor sa bansa.