Dapat na manindigan at magkaroon ng iisang posisyon ang Pilipinas kaugnay sa nangyayaring gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Prof. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na hindi pwedeng neutral lang ang Pilipinas.
Binanggit din niya ang aniya’y magkakaibang pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan ukol sa isyu na tila salungat naman sa pagpabor ng Department of Foreign Affairs sa resolusyon ng U.N. na kumukondena sa pananakop ng Russia.
Aniya, kung walang imik ang bansa, parang pinapayagan na rin natin ang ginagawang pananakop ng Russia na paglabag sa soberanya at territorial integrity ng Ukraine.
“Yung pagpapahayag na dapat wala tayong imik, e parang pinapayagan natin yung mga ganitong asta, ganitong galaw ng mga major power lalo na yung mga pinakamalalakas, yung nuclear power, e hindi natin iniisip na in the future e baka tayo na ang susunod dahil marami rin namang iba pang major power sa mundo,” giit ni Banlaoi.
“Mali talaga yung ginawa ng Russia na paglusob sa Ukraine. At kung tayo tatahimik lang o neutral lang, iisipin natin na malayo naman daw yan, wala daw tayong pakialam d’yan e nagkakamali po talaga ang mga tao kung ganon ang iniisip nila,” dagdag pa niya.
Katunayan, ayon sa maritime expert, ramdam na ng Pilipinas ang epekto ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“Well, umabot na po sa’tin ang epekto ng krisis na ‘to ‘no? Nakita natin nagtataas ang presyo ng langis, yung mga kababayan natin, merong natamaan yung nasa mga barko, tapos yung sa Ukraine mismo yung mga OFW doon, napilitang lumikas yung nakararami,” aniya pa.
“In the next few months siguro, expect more impact kasi yung mga epekto ng pag-disrupt niya sa trade and economy, eventually aabot po talaga sa’tin yan. Dahil nga po sa global economy masyadong kabit-kabit ang lahat ng ekonomiya ng lahat ng bansa.”