Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi isusuko ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef.
Ito ang matapang na sagot ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pahayag ng isang Chinese official na ang pagmamay-ari ng China ang nasabing bahura.
Sa kanyang Tweet, sinabi ni Locsin na hindi pagmamay-ari ng China ang lugar at hindi ito ibibigay ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Locsin na maaaring gamitin military outpost ng ating bansa ang nasabing bahura.
Sakaling may palubuging barko ng Pilipinas sa lugar, sinabi ni Locsin na rito papasok ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.
Bago ito, binatikos ng European Union (EU) ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.
Idinagdag pa ng EU na ang presensya ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef ay banta sa kapayapaan sa rehiyon.
Mariing tinututulan ng EU ang anumang unilateral actions na makakaapekto sa regional stability at international rules-based order.
Pagtitiyak ng EU na patuloy nilang isusulong ang malaya, ligtas at bukas na maritime supply routes sa Indo-Pacific alinsunod sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea.