Pilipinas, hindi magsasawa sa paghahain ng protesta laban sa China

Hindi titigil ang Pilipinas sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng ginagawang ilegal na aktibidad at panghaharass ng China sa West Philippine Sea.

Sa nagpapatuloy na National Security Cluster workshop dito sa Philippine Merchant Maritime Academy sa San Narciso Zambales sinabi ni Foreign Affairs Ambassador Ma. Teresita Daza na patuloy na nadaragdagan ang inihahaing diplomatic protest ng Pilipinas kontra China.

Aniya hindi magsasawa ang pamahalaan na iprotesta ang hindi tamang gawain ng China kung saan dapat ito ay paulit ulit na ipanawagan at ipaalam sa buong mundo.


Giit ni Daza, legal lahat ng ating hakbang salig narin sa umiiral na international law at 2016 arbitral ruling.

Sa panig naman ni PCG Commodore Jay Tarriela ang tagapagsalita ng NTF WPS sinabi nitong nananalo ang Pilipinas sa ating strategy na i-exposed ang mga illegal actions ng China.

Sa katunayan maraming mga bansa hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo ang suportado ang Pilipinas.

Pagbubunyag pa ni Tarriela, siya mismo ay target na ngayon ng mga troll na pakawala ng China.

Ani Tarriela sa ngayon mayruon ng 10,000 trolls ang tumutuligsa sa bawat pahayag na kanyang inilalabas sa social media.

Panghuli umaapela si Tarriela sa publiko na maging mapanuri sa mga balita o impormasyon na nababasa online.

Dapat aniya magkaisa ang bawat Filipino sa ating paninindigan na atin ang West Philippine Sea (WPS) at wala tayong ipamimigay ni katiting na teritoryo ng ating bansa.

Facebook Comments