Hindi pa napapanahon sa ngayon na magpatayo at gumamit ng malalaking nuclear power plant ang bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Gerardo Erguiza na batay sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA Law, tanging ang pribadong sector lamang ang pinapayagan na pumasok sa power generation.
Ani Erguiza, tinanggal sa pangangasiwa ng gobyerno partikular ng National Power Corporation ang power generation kundi isinalin ito sa pribadong sector.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na walang kakayahan ang gobyerno sa ngayon na magpatayo ng malalaking nuclear power plant.
Kasunod nito, iginiit ni Erguiza na pwedeng amyendahan ang batas para mabigyan ito ng kapangyarihang maglaan ng pondo kasama ang pribadong sektor para sa pagpapatayo at operasyon ng bagong nuclear power plant.